Sigpit
At muling babalik sa tinutuluyan kong maliit na sigpit
kung saan (wa)lang hanggan and pagtulo ng luha mula kisame
at basa, walang sawa ang kaingayan ng mga paniki,
sila lang ang nakakaalam ng lahat ng sakit at pighati
Ngunit narinig muli ang iyong musika
paano bang di lumapit, kung nandiyan ka na?
Pagod na sa mga sabit, puso ko'y isasara,
at kahit anong kalabit ay di kita papansinin
nanaman, di alam ano bang mangyayari saking hinliliit
buhat niya ang pangako na aking ginawa na kailanman di
ako mawawalay sayo sa biglaang pagtago, na magbibigay daan sa aking paglaho
nasabi ko naman, pagpasensyahan mo lang na ito ang aking nakasanayan
Ngunit di mo tinigil ang iyong musika
sinubukan mo pa ring tanungin kung pwede bang
Muli kong kausapin ka tungkol sating dalawa
mga pangakong kay dali lang nalimutan
Sa ating huling usapan sinadyang magkaaminan
at di ko inaasahang nagawang harap-harapan
Sabi mo mayroong saysay ang ating munting salaysay
ngunit di naagapan ng oras, nangyari na ang lahat.
At nang marinig muli ang iyong musika,
parang di ko na kayang magpaalam pa
sabi nga ni bathala di ngayon ang tinakda
balang araw ay sana maiisayaw kita