Holdap
Minsang ako ay nag-agahan doon sa bandang nagtahan
Nang mayrong nagkagulo sa isang tambayan
At ang usap-usapan ay tungkol sa isang holdapan
Sa isang pampasaherong sasakyan
Nang aking nilapitan tamangtamang naabutan
Ang isa sa biktimang nagsalaysay
At ang bukambibig niyaong mamang nanginginig
Salamat daw at siya'y naiwan pang buhay
Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa ang pinararangalan
Isang kinsenang kayod ang pinagpawisang sahod
Ay nahulog sa kamay ng magnanakaw
Pati yung estudyante at aleng mukhang pasyente
At lolong halos di na makagalaw
Relo singsing at hikaw pati ngiping natutunaw
Sinimut nuong disenteng lalake
Mabuti na lang daw at mabait yaong mamaw
Sila'y inabutan pa ng pamilite
Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa ang pinararangalan
Ngunit minsa'y namukhaan nitong kawawang si Juan
Ang holdaper kanya palang kapitbahay
Malimit mag-abuloy ng abubot at borloloy
Sa tuwing may okasyong pambarangay
Siya ay kwelangkwela sa simbahan at eskwela
Bida kay bishop kay judge at kapitan
Taun-taon pati ay may medalya at plake
Ang magiting at dakilang kawatan
Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa nasa pamahalan (di naman lahat mga 95% lang)